Jewelry collection posibleng mabawi ni Imelda

Jewelry collection posibleng mabawi ni Imelda
Journal Online
JEFFREY TIANGCO
Taliba

POSIBLENG mabawi ni dating Unang Ginang Imelda Marcos ang pamoso niyang koleksiyon ng mga alahas, na kinumpiska ng pamahalaan kasunod ng 1986 People Power Revolution, makaraang ihayag ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na bukas sila sa isang “out-of-court settlement.”
 
Sinabi ni  PCGG Commissioner Ricardo Abcede na tulad ng kontrobersiyal na multi-bilyong coco levy fund at ng na-sequester na mga kumpanya ni business tycoon Lucio Tan at iba pang Marcos ill-gotten wealth cases, hindi nila isinasara ang pinto para sa compromise deal kay Mrs. Marcos
 
“Ito ang nais kong bigyang-diin. Nais ko sanang ang sigalot na ito sa Marcos jewelry ay maging bahagi ng isang malawak na rekonsilasyon sa pagitan ng pamahalaan at ni Mrs. Marcos,” ani Abcede, Assets and Management chief ng PCGG.
 
Ayon kay Abcede, ang compromise deal ay pinag-aaralan bilang isang political option para mapabilis ang paggamit ng multi-milyong dolyar na jewelry collection ni Mrs. Marcos para makabangon ang ekonomiya ng bansa.
 
Idinagdag niyang ang pakikipag-areglo sa nasabing usapin ay magbubunsod upang maiwasan na ang mahabang resolusyon ng kaso.
 
Ipinaliwanag pa ni Abcede na nauna nang nakipag-negosasyon ang PCGG sa iba pang ill-gotten wealth cases kaya’t hindi dapat ituring na espesyal na kaso sakaling makipag-usap rin sila para sa mas mabilis na resolusyon ng kaso sa mga alahas ni Mrs. Marcos.
 
Mayroon din umanong mga “feelers” mula sa ibang grupo na nagpapahiwatig na bukas din si Mrs. Marcos para pag-usapan pa ang isyung ito.
 
Nauna rito, inihayag ng PCGG na plano nilang isubasta ang jewelry collection ni Mrs. Marcos na mula $10 milyon hanggang $20 milyon ang halaga. Binubuo ito ng tinatawag na Malacañang and Honolulu collections at Roumeliotes collection. Itinakda sana ang su-basta sa buwang ito kasabay ng taunang jewelry festival sa Hong Kong at nasa gitna na ng negosasyon ang PCGG sa tatlong international auction houses ` Christy’s, Sotheby’s at Bonhams.

Post Author: Indonesia Jewelry